Kung paano tumanggi sa award si Edgardo M. Reyes

On Saturday, 5 p.m., Balagtas Day sa PICC. Speaker daw ako. Also not to receive an award but to refuse it. Attend ka kung may time ka.”
ABRIL a-uno, Miyerkules, natanggap ko ang text message na ito mula sa itinuturing kong pinakamahusay na Pilipinong manunulat sa kasalukuyan – si Edgardo M. Reyes o simpleng Edgar para sa mga taong mas nakakakilala sa kanya.
Alam na alam niya kung paano ako mapapupunta sa isang okasyon. Alam na alam niya ang mga pangyayari na gusto kong masaksihan at hindi mapalalagpas, ang uri ng mga istorya na gusto kong sulatin.
Dumalo ako sa Araw ni Balagtas, sa PICC, nauna roon ng halos 10 minuto lamang kay Edgardo M. Reyes – kaya kitang-kita ko maging ang pagtanggi niya para sabitan ng garland na isinasalubong at isinusuot ng staff ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) sa mga tatanggap ng parangal nang bumungad siya sa venue.
Agad niyang hinanap si KWF Komisyoner Joe Lad Santos.
“Baka pilitin akong paakyatin sa stage para tanggapin ang award, magkakahiyaan, mahirap na,” sabi niya.
Kaya nais niyang linawin kay Joe Lad na ang pagpunta niya roon ay para sa imbitasyon na maging guest speaker, hindi para tanggapin ang Gawad Francisco Balagtas.
Nagkausap at nagkalinawan sila ni Joe Lad. Kaya nang toka na para sa paggawad ng parangal para sa kanya ay ang komisyoner ang umakyat sa stage, at sa malakas na tinig – na aakalain mong galit – ay nagsalita sa mikropono, hawak sa nakataas na kamay ang tropeo na nililok ni Napoleon Abueva:
“Sa ngalan po ng Komisyon sa Wikang Filipino, ang karangalang ito ay para kay Edgardo Reyes – nagdesisyon po siya na hindi niya ito tatanggapin. Pero ito po ay desisyon ng Komisyon sa Wikang Filipino, desisyon ng aming komite, at naniniwala kami na si Edgardo M. Reyes ay isang magaling na manunulat. At ang amin pong paninindigan ng pagkakaloob ng award sa kanya ay hindi namin babaguhin. Ito po ay para sa kanya, iingatan ng Komisyon sa Wikang Filipino. Ito po ay para kay Edgardo M. Reyes, isa sa pinakamagaling na manunulat sa wikang Filipino. Pinaparangalan po namin siya sa harap ng magigiting na mga taong naririto.”
Inisa-isa ni Joe Lad ang pangalan ng mga taong tinutukoy niya, na pawang may PhD sa dulo ng kanilang pangalan.
ANG PROBLEMA AY SIYA
Sa dulong bahagi ng programa nagsalita si Edgardo M. Reyes. Nilinaw niya na hindi niya iniisnab ang award. Walang deperensiya ang award. Siya ang may problema.
“Literatura? Wala naman akong naiintindihan d’yan,” sabi niya. “Ako nama’y pinabili lang ng suka. Kaya lang naman ako napasok sa pagsusulat, e, dahil ito ang mas magaan-gaang trabaho na nakita ko mula sa pagiging tubero. Kaya kung tatanggap man ako ng ganyan kalaking award, dapat, e, alam kong kumpleto na ako. Hindi pa ako kumpleto. Hanggang ngayon, e, tuluy-tuloy pa rin ako sa pag-aaral, sa pag-iisip ng mga bago, kung paano ko mas mapagbubuti ang mga sinusulat ko.”
Ikinuwento niya na 1991 pa ay tinanggihan na niya ang Gawad Francisco Balagtas. Nagbilin din siya sa kanyang mga anak na hindi sila tatanggap ng anumang parangal kahit pumanaw na siya. Ang tanong ng mga kabarkada niya, paano kung National Artist?
“Teka, sandali,” patuloy ni Edgar. “National Artist? Mas malaki ‘yon! Mas masarap tanggihan ‘yon!” Kailan na kayo naluha sa pakikinig lamang sa isang taong nagsasalita sa stage? Ako, nang gabing iyon. At sa bahaging ito ng pagsasalita ni Edgar.
“Kung mapupunta kayo sa bahay ko, makikita n’yo, hindi tapos. Writer na writer talaga ang dating. Ang writer kasi, lalo na dito sa ‘tin... sa Pilipinas, hindi naman masyadong umaangat ang buhay. Tulad ko, mas pinapahalagahan pa ako sa Japan kaysa rito. (Editor’s note: Bestseller doon ang translation ng kanyang Sa Mga Kuko ng Liwanag) May mga Japanese journalist na pumupunta sa bahay para lang interbyuhin ako. Pero ‘pag pinagmamasdan ko ang bahay ko, naiisip ko, ‘Ang suwerte naman ng bahay na ‘to, laging may room for improvement.”
Palakpakan ang mga tao sa malinaw na parallelism niya.
Ang kakatwa, gayong siya iyong tumanggi sa parangal, sa rami ng iba pang writers na tumanggap ng awards nang gabing iyon, tanging siya lamang ang dinumog ng mga tao para magpapirma at magpakuha ng retrato pagkatapos ng awarding rites.
Maraming ulit kong narinig sa programa ang pagtawag kay Edgar bilang isa sa mga haligi ng panitikang Pilipino. Manunulat ng mga manunulat. Totoo ba ito?
SINO SI EDGAR M. REYES?
Si Edgardo M. Reyes ay si Edgar Reyes na tuwing Martes ay sumusulat ng kolum sa Balita na Kangkungan sa editorial-opinion pages. Kamakailan ay napilit ko siyang magsulat sa section na ito (nakabakasyon sa kasalukuyan dahil may sinusulat na [mga] libro).
Sa academe o mga nag-aaral ng literatura, siya ang isa sa limang kabataang manunulat na naglabas ng Mga Agos sa Disyerto (1964) -- ang apat pa ay sina Efren Abueg, Dominador Mirasol, Rogelio Ordoñez, at Rogelio Sicat. Ang koleksiyon ng kanilang 25 maiikling kuwento ay kinikilala ng literary critics bilang isa sa pinakamahuhusay na aklat na humubog sa bagong panulatang Pilipino.
Si Edgardo M. Reyes ang sumulat ng Sa Mga Kuko ng Liwanag na itinuturing na “canon” o standard ng modernong nobelang Pilipino, isa sa pangunahing required reading sa mga kolehiyo’t unibersidad, isinalin sa iba’t ibang wika ng iba’t ibang bansa, at ginawang pelikula ni Lino Brocka (Maynila, Sa Mga Kuko ng Liwanag).
Bukod sa pagiging direktor ng pelikula, isa sa napakaraming script niya ang nagbigay kay Sharon Cuneta ng kauna-unahan nitong blockbuster hit (P.S. I Love You).
Kinamulatan ko ang pagbabasa sa mga akda ni Edgardo M. Reyes, sa Liwayway noong una at kinalaunan ay sa mga aklat. Sa aming unang pagkikita sa eleksiyon ng National Press Club noong 1989 (kaga-graduate ko sa Ateneo de Naga at kapapasok lang bilang proofreader/staff writer ng Liwayway), nakatabi ko siya sa inuman ng beer (blowout ni Tata Celo Lagmay, nanalong presidente ng NPC), at ‘di ko alam kung saan nanggaling ang lakas ng loob ko nang sabihin ko sa kanya na “kasalanan” niya ang pagkakapasok ko sa literatura.
Kamakailan, nagtaka rin ako sa lakas ng loob ko na ipa-edit sa kanya ang katatapos kong nobela.
Pagkaraan ng 20 taon, maraming maghapon-magdamagang kuwentuhan/talakayan, lalo pa akong humanga kay Edgardo M. Reyes. Sa mga kuwentuhang ito, napupulot ko na may mas malalim pa siyang dahilan sa pagiging alerdyik niya sa literary awards. Pero hindi pa ako nakahanda para sulatin ang mga ito. Masyadong maselan.
Sa kabila ng likas na pagiging kuwidaw na journalist, si Edgardo M. Reyes ang isa sa iilang personalidad na patuloy kong hinahangaan kahit nagkaroon ako ng pagkakataong makilala. Ang akala ko’y ako lang ang may ganitong paghanga sa kanya. Hanggang sa mabuklat ko sa dulo ng bagong edisyon ng kanyang librong Sa Aking Panahon 13 Piling Katha (At Isa Pa!) kamakailan ang speech na ito ni Tony Velasquez (ang henyong lumikha kay Kenkoy), na ayon sa nakalagay na note ay binigkas nito nang unang ilunsad ang libro sa UP noong Agosto, 1991.
“I have known Edgardo M. Reyes for more than 30 years. I have known him so long that I think I know him inside out – inside a woman’s bedroom, that is, or out in the cold.
“Una kong nakilala si Edgar nang nagsisimula pa lamang maging malikot ang kanyang imahinasyon tungkol sa papaksain niya sa pagsulat. With the passing of the years he has mastered the art and has become a prolific, versatile and respected writer. At ngayon, hindi lang ang imahinasyon niya ang malikot. Palagay ko ang middle initial niyang “M” stands for malikot.
“I like Edgar very much as a person. Para sa kanya, ang tao ay dapat maging tunay na tao. Hindi tau-tauhan. Nirerespeto niya ang pagkatao ng isang gago. Pero ang ayaw na ayaw niya ay ang gago na nagdudunung-dunungan. Maraming ganyang tao sa ating lipunan, lalo na sa Kongreso. He hates hypocrites.
“Kay Edgar, walang kuwenta ang pera. In truth he has made lots of money but he has nothing to show for it. Walang kuwenta sa kanya ang pera, pero nagpapakahirap sa paghanap nito. He earns a lot, but ask for an accounting and he won’t be able to give you any.
“Si Edgar ay isang tao na napakataas ng prinsipyo. May alam akong mga pangyayaring ginutom siya ng kanyang prinsipyo, pero nagmatigas pa rin. Hanga akong talaga sa lokong ito.
“Hindi siya nakalilimot sa mga pinagkakautangan niya ng loob. Sa wari ko’y itinuturing yata niyang may utang na loob siya sa akin. Hindi ko inaamin ito. Hindi ko tinatanggap na mayroon nga. Manaka-naka, nadadalaw siya sa amin bilang pagkilala yata ng utang na loob. Mabuti’t manaka-naka lang. Dahil sa tuwing dadalaw siya, tumbado lahat ang aking stock na serbesa, pero siya nakatayo pa rin.
“Pambihira ang katapatan ni Edgar. Katunayan, lagi siyang nakatapat -- sa mga chicks. Edgar is a very witty person. Pero malalim ang kanyang witticisms. Kaya kung medyo slow o mababaw ang mentalidad ng nakikinig sa kanya, naaatraso ang tawa.
“Edgardo M. Reyes. Writer par excellence. A hot shot and a genius in the play of words. He has reached the top but I’m not sure he knows it. Anyway, I hope he stays there.”
(This story is reprinted from Balita, the sister publication of Manila Bulletin, where the author is the entertainment editor)
| Attachment | Size |
|---|---|
| Photo by ROMMEL MIRANDA | 12.53 KB |

